Change of heart, Cristine sawa nang maghubad!

Wala si Heart Evangelista sa final presscon ng Trophy Wife. May pinuntahan daw ito na mas naunang commitment. Hindi naman siya gaanong na-miss, dahil last time nauna siya sa mga kasama niyang artista sa movie na magpa-interview and she was candid enough to say na lahat nang ginawa ni Cristine Reyes sa pelikula nila ay hindi talaga niya makakayang gawin. Kaya nga mas lalong naintriga ang manonood na panoorin ang movie at tingnan kung ano ang mga ginawa ni Crsitine na hindi kinaya ng co-star niyang babae.

Tulad ni Heart, wish ni Cristine na bawasan na kundi man direktang itigil ang paggawa niya ng maseselang eksena.

“Sampung taon na akong umaarte at dumating na ako sa punto na nagsawa na akong magpa-seksi. Marami pa naman akong ibang magagawa. Tulad nang pagpapakita ng kakayahan ko sa pag-arte. Marunong din naman akong umarte. Nakita na nila ako sa drama, pero gusto ko ring sumubok ng comedy. Dito baka masorpresa ko ang manonood,” pagtatapat ni Cristine na nagsabing hindi kagustuhan ng boyfriend niya ngayon ang pagbabago ng image na gusto niya. “Ako lang ang may gusto nito. Napagod na kasi ako, nagsawa. Gusto ko naman ng ibang magagawa,” sabi ng aktres na ini-imagine ng lahat kung tatangkilikin pa rin kapag hindi na nagpapakita ng katawan o sumasabak sa mainitang love scenes.

Karylle may pag-aalangan pa sa pagpapakasal ni Zsazsa

Kung may mga tao man na masaya sa relasyon  ni Zsa Zsa Padilla sa kanyang nobyong arkitekto, ito ay ang tatlo niyang anak na babaeng sina Karylle, Zia, at Nichole. Lalo na si Karylle na mula siguro nang makapag-asawa ay napagtanto na ang pangungulila ng ina simula nang nawala si Dolphy.

“Wala naman akong tutol sa pagkakaro’n niya ng karelasyon. Mabait naman ang lalaking natagpuan niya. Responsable, very sweet at napaka-maalalahanin. Magaling pang magluto, magiging masaya si Mom sa kanya. Pero sana mag-enjoy na muna sila at huwag munang mag-isip ng pagpapakasal. Baka mabawasan pa ang happiness nila if they get married. Enjoy na lang muna sila,” may halong pakiusap na sabi ng panganay ng Divine Diva.

Juday at Ryan ayaw na uling magpagamit

Buti na lamang at maagang na-realize ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo na talagang hindi sila dapat pumapayag na tumanggap ng programang magkatapat. It certainly leaves a bad taste in the mouth. Alam ko naapektuhan nang malaki rito si Ryan dahil umeere na ang Bet On Your Baby ni Juday sa ABS-CBN nang simulan ng GMA ang game show niyang Picture! Picture! At that time, nang tanungin siya tungkol dito, wala pang nakikitang masamang epekto si Ryan sa pagtatapat ng programa nila. Later on na lamang niya napagtanto na napaglalaban sila ng istasyon at nakakasali sa umiiral na network wars.

“Hindi na mangyayari ‘yun.  Nagkataon  lang na wala akong ginagawa nun kaya tinanggap ko ang trabaho. Pero pinag-usapan na namin ito ni Juday na kapag talagang hindi mapipigilan na magkalapit ang mga program namin, huwag namang diretsahang tapatan. Iiwas ang isa sa amin,” pangako ng TV host na nagpaliwanag din na kaya hindi siya natuloy sa Talentadong Pinoy para sa TV5 ay dahil hindi na sila magkakasamang lahat ng original production people ng programa. Meron nang mawawala sa grupo. “Hindi na rin  umaayon ang oras namin. Gaano man ang pag-aayos sa schedule ang gawin namin, hindi na pumwede,” paliwanag ni Ryan na bukod sa Eat Bulaga ay may regular na serye sa GMA, ang Ismol Family na kung saan, for the first time, ay siya ang kasama ni Carla Abellana at hindi si Tom Rodriguez.

Nagpipigil lang anak ni Piolo napupuno na sa mga nagsasabing bading ang ama

Hindi mo masisisi si Iñigo kung mapikon man ito sa isyu na bading si Piolo Pascual. Hindi naman basta tao lang si Piolo sa kanya. Ama niya ito, syempre normal lang ang nakikitang reaksyon niya. Buti na lamang at walang harapang namba-bash kay Piolo dahil baka hindi na si Piolo kundi ang anak na lamang nito ang magpatikim sa kanila ng sakit na ibinibigay nila rito.

“My son is intelligent enough para hindi sila patulan. He knows me, he knows the truth, pero sa totoo lang, pikon na pikon talaga siya at gusto niyang gumanti, pero palaging namamayani sa kanya ang alam niyang katotohanan,” anang bida ng Hawak Kamay na tinutukan ng marami sa unang araw ng pagpapalabas nito sa ere.

Show comments