Tensyon sa One More Try, matindi!

MANILA, Philippines - Kontrobersiyal na cast at kontrobersiyal na tema ang tampok sa kakaibang dramatic offering ng Star Cinema na One More Try, na ipalalabas na sa December 25 kasabay ng iba pang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF).

Sa ilalim ng direksiyon ng award-winning director na si Ruel S. Bayani, bibida sa One More Try ang apat na award-winning na aktor at aktres sa bansa na sina Angel Locsin, Angelica Pa­nganiban, Zanjoe Marudo, at ang Kapuso hunk na si Ding­dong Dantes.

Apat na taong nagmamahal na pagigitnaan ng isang batang nasa bingit na ng kamatayan ang kuwento ng One More Try. Masaya at kuntento na sa buhay niya ang mapagmahal na single mother na si Grace (Angel) sa piling ng kanyang anak na si Bot­chok (Miguel Vergara) at ng boyfriend niyang si Tristan (Zanjoe). Perpekto na sana ang lahat hanggang isang araw ay nalagay sa panganib ang buhay ni Botchok dahil sa kanyang hindi normal na kondisyon ng dugo nito. At nang matuklasang lumalala na ang kalagayan ng Botchok, wala nang iba pang mapagpipiliang gawin si Grace kung hindi muling makipagkita sa ama nito--si Edward (Dingdong).

Ngunit sa muling pagkukrus ng landas nina Grace at Edward, hindi magiging madali para sa kanila ang lahat dahil bukod sa boyfriend ni Grace na si Tristan, nasa pagitan na rin nila ang makapangyarihang asawa ni Edward—si Jacqueline (Angelica), na gagawin ang lahat upang mapangalagaan ang kanilang pagsasama.

Mas titindi ang tensiyon nang malaman nina Grace at Edward na ang natatanging solusyon upang maisalba ang buhay ni Botchok ay magkaroon sila ng isa pang anak, at kaila­ngan nila itong gawin sa natural na paraan. Sa sitwasyong buhay na ng isang musmos ang nakataya, maisasakripisyo ba nina Grace, Edward, Tristan at Jacqueline ang kanilang mga perso­nal na nararamdaman? Sa muli nilang pagkakalapit, hindi kaya muling bumalik ang pag-ibig nina Grace at Edward sa isa’t isa? Sa huli, sino ang mananaig—si Jacqueline na gagawin ang lahat upang protektahan ang relasyon sa asawa o si Grace, ang inang gagawin rin ang lahat upang mailigtas ang anak maging ang kapalit nito ay malagay sa alanganin ang relasyon sa lala­king labis na nagmamahal sa kanya?

 Kabilang rin sa cast ng One More Try sina Carmina Villarroel, Agot Isidro, Edward Mendez, at Ms. Gina Pareño.

Show comments