Mag-live-in, kauna-unahang milyonaryo ng It's Showtime

Manila, Philippines -  Wagi ng tumataginting na P1 milyon ang magkasintahang sina Jocelyn Ta­laboc at Marlon Vargas, parehong 23 taong gulang at mga residente ng Munoz, Quezon City sa Kapamilya noontime show na It’s Showtime. Kauna-unahang milyonaryo sa jackpot segment na Showtime Goodtime at ng programa ang magkaparehang tatlong taon nang nagsasama, may dalawang anak, at na­katakdang mag-isang dibdib ngayong Hunyo sa isang kasalang bayan. Anila, umaasa lamang ang kanilang pamilya sa kakarampot na kinikita ni Marlon bilang isang mangangalakal na naghahanap ng gamit na bakal sa mga sapa para ibenta.

Hindi man inaasahan ang pagkapanalo ng kabuuang P1,000,000, ito raw ang sagot sa kanilang mga dasal at igugugol daw nila ang napanalunang halaga sa pag-aaral ng kanilang mga anak at sa pagbili sa isang maliit na bahay.

Ang Showtime Goodtime ang jackpot round ng nanalong contestant sa Arte Mo! segment ng noontime show kung saan kailangang makakuha ng sunud-sunod na bolang “It’s” mula sa tambiolo para maka-advance sa bawat letra ng “Showtime.” Kapag sumulong ang contestant hanggang sa letrang E nang hindi nakakakuha ng dalawang bolang “X,” panalo ito ng jackpot prize na P1 milyon.

Para sa limpak limpak na papremyo at saya, mag-party party kasama sina Vhong Navarro, Anne Curtis, ‘Kuya’ Kim Atienza, Karylle, Vice Ganda, Teddy Corpuz, Jugs Jugueta, Jhong Hilario, Ryan Bang, Coleen Garcia, at Eric ‘Eruption’ Tai araw-araw sa It’s Showtime, 11:30 a.m. sa ABS-CBN.

Show comments