Gus, hahanapan ng hustisya ang mga baklang binalak patayin ng lasing

MANILA, Philippines - Maraming krimen ang hindi nasusulusyunan dahil sa kawalan ng ebidensiya ngunit mayroon namang pambihirang pagkakataong nabubuhay ang mga bik­tima nito para maging susi sa paglutas nito. Itatampok ni Gus Abelgas sa SOCO: Scene of the Crime Operatives ang apat na survivor stories o mga krimeng may pag-asa pang masolusyunan dahil sa mga biktimang nakaligtas sa mga ito tuwing Biyernes ngayong Mayo.

Ngayong Biyernes (Mayo 4), masasaksihan ang kaso ng dalawang magka­ibang baklang pinagtangkaang patayin ng isang lalaking lasing. Himalang naka­ligtas ang isa sa kanila na siyang naging susi upang bigyang hustisya ang nangyaring krimen.

Ilalahad naman sa Mayo 11 ang kuwento ng magkababatang dumanas ng marahas na hazing session sa isang fraternity kung saan ang isa sa kanila ay nabuhay habang ang isa nama’y napaslang at isinilid sa drum ang bangkay na iniwang palutang-lutang sa Pasig River.

Samantala, panggagahasa at pagpatay sa isang dalaga ang iimbestigahan ni Gus sa Mayo 18 kung saan nagkunwaring patay ang kapatid ng biktima matapos silang paghahampasin ng suspek. Ngunit dahil walang magawa, napanood niya ang karumaldumal na panghahalay sa kanyang kapatid ng kanilang kapit­ahay.

Isang car dealer agent naman ang muntikan nang mamatay matapos sakalin, suntukin, at saksakin ng taong bibili sana ng kanyang sasakyan. Masuwer­teng nabuhay ang biktima upang maisumbong pa sa mga pulis ang nangyari at patuloy itong susundan ng SOCO sa Mayo 25.

Show comments