Mukhang bigatin ang bagong programa na iho-host na magkasama nina Martin Nievera at Gary Valenciano para sa ABS-CBN, ang Twist and Shout, isang franchise mula sa Zodiac Entertainment, isang kilalang produksiyon at distribution group na napapanood din sa mga bansang France, India, UK, at Indonesia. Mainit ang pagtanggap ng manonood sa programa sa mga bansang nabanggit sa titulo nitong Sing If You Can.
Totoo, isang singing contest ang Twist and Shout pero, kakaiba ito sa mga napapanood natin.
First time ito nina Martin at Gary V. na mag-host na magkasama kaya mai-imagine n’yo ang gastos ng produksiyon sa TF pa lamang nila. Sa mga ibang bansa na kung saan napapanood ang Twist and Shout, isa lamang ang host, sa Pilipinas lamang dalawa kaya excited ang lahat na makita kung magkakatulungan ang dalawa o magka-clash ang personalidad nila.
For the first month, mga celebrities ang magiging mga contestants.
Mapapanood ang Twist and Shout simula ngayong Sabado, July 3, 8:45 ng gabi at mapapanood din ito tuwing Linggo. At sa mga susunod pang Sabado at Linggo.
* * *
Natatawa na lamang si Bernadette Sembrano kapag tinatanong kung wala ba siyang pagsisising nadarama na hindi sila nagkatuluyan ng bagong halal na Pangulong Noynoy Aquino. Sana raw ay siya na ang First Lady ngayon.
“Masaya ako para sa kanya pero wala akong panghihinayang na nadarama dahil nakilala ko ang aking asawa at siya naman ay nakakita na rin ng bagong mamahalin,” anang maganda at magaling na news anchor na dalawang taon nang happily married. Wala pa silang anak pero hindi sila nagmamadali, matiyaga nilang hinihintay kung kailan sila pagkakalooban ng anak ng Panginoon.
Kasabay ng inagurasyon ni P-Noy ngayong araw na ito ay magsasanib puwersa ang pinakasariwang balita at modernong teknolohiya sa TV Patrol at Bandila ng ABS CBN.
* * *
Usung-uso na sa mga nanalong kandidato sa katatapos na eleksiyon na pumili ng mga taong magpapasumpa sa kanila.
Nung Lunes, June 28, pinasumpa si Senator-elect Bong Revilla ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa isang magarbong pagdiriwang na ginanap sa One Esplanade, isang bagong events venue sa Pasay City, malapit sa SM Mall of Asia.
Sinamahan si Sen. Bong sa kanyang pagdiriwang ng maraming colleagues niya sa Senado tulad nina Senador Miguel Zubiri at Kiko Pangilinan, mga kapawa artistang sina Phillip Salvador, Ronnie Ricketts, ang buo niyang pamilya na pinangungunahan ni dating senador Ramon Revilla, asawang si Lani Mercado na isa na ring congresswoman, mga anak, manugang at apo, mga kapatid at ang pami-pamilya nila.
Marami ring mga kaibigang pulitiko si Bong na dumating sa okasyon, namataan ko ang bagong halal sa board member ng Laguna na si Angelica Jones, sina Kuya Germs (German Moreno) at mga bossing ng GMA 7, mga local and provincial government officials at napakaraming tao na nagmamahal at humahanga sa reeleksiyunistang senador.
Tinanong si Sen. Bong kung bakit sa aalis nang pangulo na si GMA siya nagpasumpa, sinabi niyang malaki ang utang na loob niya rito at ito ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon para matupad ang pangarap niyang makapagsilbi sa bayan.
Sa isang maikling pakikipag-usap sa napaka-popular at numero unong senador, sinabi nito na may pinaplano siyang pelikula para sa Metro Manila Film Festival na pagsasamahan nila ni Vic Sotto. Isa sa naiisip niyang titulo ay Agimat ni Enteng.