Echo, pa-Las Vegas para sa Pacquiao movie

Paalis sina Jericho Rosales, Bea Alonzo at ibang cast ng Pacquiao movie patungong Amerika para doon kunan ang training ni Pacquiao na ginagampanan sa pelikula ni Jericho.  Ito’y ibinalita sa amin ng lady producer ng FLT Films na si Mommy Rose Flaminiano.   

Ayon kay Mommy Rose, nakaka-60% na umano ang pelikula na nakatakdang ipalabas sa susunod na buwan.   

Samantala, nanghihinayang si Mommy Rose na hindi na napasama sa pelikula si Rudy Fernandez dahil sa pagkakasakit nito.  Ang role ni Daboy (Rudy) ay napunta kay Jay Manalo.
* * *
Part 2 ng summer special presentation ng Bitoy’s Funniest Videos ang nakatakdang mapanood ngayong gabi sa inaabangang programa ni Michael V.  

Mabuking kaya ng isang Cebuanong pasahero na ang nagmamaneho ng kanyang sinasakyang taxi ay walang iba kundi si Michael V. at siya’y biktima ng ‘Yari Ka!’?  Ang mga bagong recruit ng  "Alpha Kappal Muks"  ay darayo ng Baguio para doon mamigay ng libreng load at kakaiba naman ang ipapakita ng mga kikay sa Puerto Galera para sa segment nilang "libing sa buhangin". 

Siyempre, hindi rin pahuhuli ang mga  Tagalized videos ng America’s Funniest Home Videos tungkol sa mga little boys, senior citizens at different animals.
* * *
Mahusay na aktres si Cherry Pie Picache kaya hindi ito nawawalan ng project.  Ang ipinagtataka lamang namin kay Cherry Pie ay hindi siya conscious sa kanyang katawan.  Sa tingin namin ay lalo siyang tumataba.

Huwag nang hintayin pa ni Cherry Pie na mawalan siya ng project dahil sa patuloy niyang pagtaba. Sa palagay namin, obligasyon ng isang artista na panatilihing maganda ang kanilang hitsura sa screen.  Maganda at bata pa si Cherry Pie pero dahil sa kanyang katabaan ay  mukha  siyang mas matanda kesa tunay niyang edad.
* * *
E-mail: a_amoyo@pimsi.net

Show comments