The Buzz, kapos sa oras

Apektado si Kris Aquino kapag ang kanyang programa partikular na ang The Buzz with Boy Abunda ay nauubusan ng oras at kailangang putulin ang programa. Ganito ang karamihang nangyari sa The Buzz. Sa sobrang haba ng mga VTR presentations ng mga segment-writer nito, nauubusan ng oras ang mga program host nito. Katulad na lamang nitong nakaraang The Buzz. Kinakailangan pa sana nina Kris at Boy na umapir pero hindi na nangyari. Hindi na rin naipasok sa programa ang tungkol sa Mano Po 2. Marami pa namang segment na maganda pero hindi naipasok at kung maipapasok ay kinakailangan namang mag-overtime at sasagutin naman ito ni Roxy Liquigan ang producer ng show.

Paglabas ng studio, tahimik ang lahat na naglakad palabas. Nasa pinto ng dressing room si Kris. Tinawag nito si Nancy, staff ng The Buzz. Tinanong kung ano ang nangyari? Narinig kong sinabi niya na kinulang lang talaga sa oras. Malungkot ang naging mukha ni Kris.

Pinaghahandaan pa naman nito ang kanyang mga trabaho pero dahil sa kakulangan lamang ng oras, naaapektuhan ang buo niyang personalidad. Siguro kahit kaninong TV hosts, iinit ang ulo sa mga ganitong sitwasyon. Mabuti na lang at maunawain si Kris, hindi uminit ang kanyang ulo! BONI CASIANO

Show comments