Pagkatapos ng soap opera, magtatapos din ba ang loveteam nina Juday at Piolo?

Nasa mood ng pagbibiro si Alfie Lorenzo nang nagpahayag itong magtatapos na rin ang loveteam nina Judy Ann Santos at Piolo Pascual pagkatapos ng Sa Puso Ko, Iingatan Ka. Maraming nakarinig sa naging pahayag ng manager ni Juday na hindi nila siniseryoso dahil alam nilang may hinampo ito sa aktor at nagdamdam siya sa mga bintang na siya ang may gusto na buwagin ang tambalan ng dalawa.

"Aywan ko kung bakit ako raw ang hadlang sa loveteam at pati raw ang relasyon ng dalawa ay pinapakialaman ko. Teka, mag-on na ba ang dalawa? Walang nabanggit sa akin si Morena Martir ah!" pabirong pagtataray ni Tito Alfie.

Nagdetalye ang manager tungkol sa patayan sa soap opera nina Juday at Piolo na nagsimula sa karakter ni Edu Manzano, John Lloyd Cruz, Zsazsa Padilla at marami pang tauhan sa naturang opera hanggang kay Chandro (Romnick Sarmenta). Pati iyong pagkamatay ng scriptwriter at pagkaroon ng miscarriage ni Direk Cathy ay may konek umano sa miscarriage ni Patricia sa soap, ani Tito Alfie.

Sa takbo ng naging pahayag ng manager ni Juday ay nabahala siya na baka sa pagwawakas ng soap ay hudyat iyon ng pagwawakas ng loveteam na sinabayan naman ng "Knock On Wood!" ng mga fans na nasa loob noon sa estudyo ng DZMM.

Show comments