Carlos, aminadong hindi siya magaling na artista

Aminado ang kampo ni Carlos Agassi na na alarma sila sa mga komentaryo tungkol sa kakayahan ng aktor sa pag-arte. Halos kabi-kabila nga ang mga tira’t puna sa acting ni Carlos sa teleseryeng Hanggang Sa Dulo ng Walang Hanggan ng ABS-CBN.

Ang maganda naman kay Carlos, tanggap niya sa kanyang sarili na hindi siya gano’n kahusay o kaperpekto bilang aktor. At para sa kanya, malaking challenge ang mga negatibong feedback sa kanyang pag-arte.

"Makikita rin naman ‘yung effort kay Carlos para mas lalong mapagbuti ang kanyang trabaho. Willing naman siyang tanggapin lahat ng puna. Bigyan lang sana siya ng chance," sabi ng kausap namin na malapit sa binata.

Totoo raw na muntik nang masibak si Carlos sa nasabing teleserye dahil kahit ang management ay naalarma rin nang husto. Lumiit din ang tingin ni Carlos sa kanyang sarili at tila wala siyang mukhang maiharap sa mga kasamahan sa set.

Mabuti na lang daw at si Carlos ang nahirang recently ng Aliw Awards bilang most promising male Recording Artist. Malaki ang nagawa nito para lumakas pa ang kanyang loob at lumaban sa malupit na mundo ng showbiz.

"Kung alam n’yo lang, naging mahirap na ang sitwasyon ngayon kay Carlos. Hindi na siya makakilos nang tama. Feeling niya bawat galaw niya, marami ang nakamasid," lahad pa ng aming source.

Dalawa raw sa kasamahan ni Carlos sa kanilang drama show ang feeling niya ay minamaliit at minemenos na siya. Ramdam daw ni Carlos na nag-iba na ang pakikisama sa kanya ng dalawang nabanggit. (Ulat ni Robert Perez)

Show comments