MANILA, Philippines — Matapos ang ilang dekada ng karahasan dulot ng pamamayagpag ng mga bandido na armado ng mga loose firearms, idineklara na ng militar at lokal na pamahalaan na “gun free” ang bayan ng Lugus sa Sulu.
Sina Brig. Gen. Mario Jacinto, commander ng 1101st Infantry “Gagandilan” Brigade kasama sina Vice Mayor Almedzar Hajiri, ang nagdeklara sa munisipalidad ng Lugus bilang “gun free” at “peace centered community” sa isang seremonya sa Lugus municipal gym kamakalawa.
Sa kaniyang talumpati, nagpasalamat si Hajiri dahil sa wakas ay nakamtan na nila ang tagumpay para sa kapayapaan, dahil sa suporta ng lokal na komunidad sa kampanya para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang bayan.
Kabilang sa tampok sa nasabing okasyon ay ang ceremonial na paglagda ng resolusyon para sa “Gun Free Municipality” at “Peace Centered Community”.
Nagkaroon din ng presentasyon ng report hinggil sa lokal na Peace and Order Council, anti-drug at abuse council, local Disaster Risk and Reduction Management Council meeting na iprinisinta ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at maging ng sektor ng seguridad.
“This is also in line with the 11th Infantry Division’s campaign towards eradicating loose firearms and will further strengthen and intensify its campaign for it to be embraced by the other municipalities in the whole of Sulu,” ayon kay Jacinto.