CAVITE, Philippines — Ligtas na nabawi ng kanyang pamilya ang isang Chinese national na dinukot makaraan silang makapagbigay ng P1 milyong ransom sa mga kidnaper, kamakalawa sa Imus City.
Sa ulat ng Imus Police, alas-11:45 ng gabi nitong Linggo nang pakawalan ng mga kidnaper ang biktimang si Zhang Yang, 35- anyos, empleyado at residente ng Santol St., Brgy. San Antonio, Makati City.
Sa loob ng McDonald‘s branch sa Brgy. Malagasang 1-G, Imus City narekober si Yang ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG)-Luzon at Imus Police nang iwanan ng mga abductors makaraang makapagbigay ang kanyang pamilya ng ransom money na 18,000 US dollars o P1,008,000 sa pamamagitan ng money transfer sa account ng mga suspek.
Nag-iisa lang umano si Yang sa loob ng nasabing food chain nang dumating ang mga awtoridad at ligtas siyang narekober.
Nabatid na si Yang ay dinukot ng‘di pa kilalang mga kidnapper at puwersahang kinaladkad sa maroon Toyota Vios, may plakang NBQ3151, sa Makati City, noong Abril 26, 2024.
Narekober na rin ng pulisya ang nasabing sasakyan nang abandonahin ito ng mga suspek sa parking lot ng nasabing food chain pagkahatid sa biktima.