Higit 323K botante sa Kabikulan namemeligrong mabura sa Comelec list

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines —- Aabot sa 323,340 botante sa buong Kabikulan ang namemeligrong i-deactivate sa talaan ng Commission on Election ngayong Abril 15.

Ayon sa impormasyong inilabas ng Comelec-V Regional Office, ang mga botanteng ito na tinatawag na “Failed to Vote Twice Vo­ters” o FVTV ay nabigong magpahayag ng kanilang karapatang bumoto makaraang dalawang magkasunod na halalan na hindi sila nagpartisipa.

Pinakamarami ay nagmula sa lalawigan ng Camarines Sur na may 120,727 botante; sumunod ang Albay na may 66,676; Masbate na may 56,502; Sorsogon- 36,202; Camarines Norte - 26,246; at 16,987 mula sa Catanduanes.

Sa Albay, ayon kay Comelec provincial supervisor Atty. Maria Aurea Bo Bunao, sa 66,676 na botanteng nakatakdang ma-deactivate, pinakamarami ay nagmula sa lungsod ng Tabaco na may 7,990; sumunod ang Legazpi City na may 6,509; at bayan ng Libon na may 5,247.

Sa ilalim umano ng Section 27 ng Republic Act 8189 o Voters Regis­tration Act of 1996 ang Election Registration Board ay may kapangyarihang mag-deactivate o mag-alis sa talaan ng mga botante na hindi bumoto sa magkasunod na dalawang halalan.

Gayunman, nilinaw na lahat ng pangalang made-deactivate ay hindi aalisin sa database ng Comelec bagkus ay ilalagay lamang sila sa “inactive status” at lahat sila ay makatatanggap ng abiso o notice bilang mga FTVT.

Show comments