Nang-rape sa Valenzuela, arestado sa Subic

SUBIC BAY FREEPORT, Philippines — Arestado ang isang lalaki na may mga kasong statutory rape at tinaguriang “most wanted person” sa Valenzuela City matapos masakote ng mga otoridad kamakalawa, dito sa freeport.

Kinilala ang suspek na si Engelbert De Leon na nahaharap sa kasong 3-counts of statutory rape at walang kaukulang piyansang inirekomenda ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Nadakip ang suspek sa may Waterfront Road ng Subic Bay Freeport Zone matapos makatanggap ng impormasyon ang City Intelligence Unit sa kinaroroonan ng suspek dahilan upang magsanib-puwersa ang Olongapo City Mobile Force Company, Police Station 3 ng Olongapo City Police Office at ng Subic Bay Metropolitan Authority sa operasyon para siya arestuhin.

Hindi na nagawang makapalag ang suspek nang ipakita ng mga otoridad ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Evangeline Mendoza-Francisco ng National Capital Judicial Region, Regional Trial Court Branch 270, Valenzuela City.

Nakapiit na ang suspek sa Olongapo City Police Station 3 para sa kaukulang disposisyon.

Show comments