2 patay, 1 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan

Kinilala ang mga nasawi na sina Reonel Galejon­ Bertos­, 37, at Dexter Yadan Rala, 32, kapwa ng Brgy. Almaguer South, Bambang habang sugatan ang isang nakasalpukang rider na Jomar Fernando Dewey.
STAR / File

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Dalawa ang nasawi habang isa pa ang malubhang nasugatan ma­tapos ang karambola ng tatlong sasakyan sa Brgy. Banggot, Bambang ng lalawigang ito kahapon ng ma­daling araw.

Kinilala ang mga nasawi na sina Reonel Galejon­ Bertos­, 37, at Dexter Yadan Rala, 32, kapwa ng Brgy. Almaguer South, Bambang habang sugatan ang isang nakasalpukang rider na Jomar Fernando Dewey.

Sa ulat ng Bambang Police, patungo sa timog na ba­hagi ang dalawang biktima sakay sa isang Yamaha Mio 125 nang makasalpukan nila ang Honda Wave na mina­maneho ni Dewey dakong alas-12:00 ng madaling araw.

Dahil sa banggaan ng dalawang motorsiklo, nabu­laga naman ang driver ng paparating na trak (NAK9378) na si alyas Frederick, 53, ng Sison, Pangasinan at aksidenteng nasagasaan nito ang mga biktima sa kabila ng mabilis niyang pagpreno.

Napag-alaman na magkasunod ang Mio na sina­sakyan ng dalawang biktima at ang trak ni Frederick­ nang biglang kumaliwa ang motorsiklo na naging sanhi para masalpok ang kasalubong na Honda mula sa ka­bilang linya ng kalsada.

Idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan sina Bertos at Rala habang kusang sumuko ang driver ng trak sa himpilan ng pulisya.

Show comments