Manhunt vs Bunduquin killer pinaigting ng PNP

MANILA, Philippines — Mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang manhunt operation laban sa isa pang suspek sa pagpatay sa radio broadcaster na si Cresenciano Aldovino Bunduquin nitong Miyerkules ng madaling araw sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Ayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., inatasan niya ang pamunuan na Region 4-B o MIMAROPA na tutukan at iprayoridad ang kaso at mapanagot ang may sala. Tiwala aniya siya sa binuong special investigation task group (SITG) “Bunduquin” na agad madadakip kasabay ng pagsilip sa lahat ng anggulo.
Binubuo ang SITG nina Col. Samuel Delorino, Oriental Mindoro Police director; Criminal Investigation and Detection 4B-Oriental Mindoro, Calapan Police at ng High Patrol Group 4B-Oriental Mindoro.
Samantala, tiniyak naman ni Acorda ang seguridad ng media sa kabila nang nagyaring pamamaslang kay Bunduquin.
Ani Acorda, isolated case ang nangyari kay Bunduquin.
Panawagan nito sa mga mamamahayag na agad na makipag-ugnayan sa PNP sakaling may natatanggap na pagbabanta sa kanilang buhay.
Dagdag ni Acorda, sisiguraduhin niyang mabibigyan ng hustisya ang pamamaslang kay Bunduquin.
Pinatay si Bunduquin, radio host ng DWXR101.7 Kalahi FM at isa ring local field reporter, dakong alas-4:20 ng madaling araw nitong Miyerkules sa harap ng kanyang sari-sari store sa Brgy. Sta. Isabel, Calapan City.
- Latest