Trader timbog sa P7.6 milyon drug bust
LUCENA CITY , Philippines — Aabot sa mahigit P7-milyong halaga ng droga ang nakumpiska sa isang negosyanteng high value individual (HVI) sa isinagawang drug bust operation ng mga awtoridad sa Purok Narra Inmaculada Subdivision, Brgy. Isabang ng lungsod na ito kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) director PCol. Ledon Monte ang suspek na si Andrian Saludez alyas “Ian”, 34, binata, may negosyong motorcycle buy and sell at residente sa nasabing lugar.
Isinagawa ng joint operatives ng Provincial at City Drug Enforcement Unit/Intel, at PDEA 4 na may body worn camera (BWC) ang buy-bust operation laban sa suspek dakong alas-12:24 ng madaling araw.
Ayon kay PLt. Col. Erickson Roranes, Lucena City chief of police, may isang buwan nilang isinailalim sa surveillance ang suspek at nagkataong katatanggap lamang nito ng supply na illegal drugs mula sa Taguig.
Sa buy-bust operation, nakumpiska buhat sa suspek ang isang kulay army green na sling bag na naglalaman ng tatlong pakete at 7-plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 375 gramo at nagkakahalaga ng P7,650,000, 59 piraso ng P1,000 boodle money at isang P1,000 bill na parehong ginamit sa operation.
Nakapiit na sa lock up jail ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
- Latest