Cavite buy-bust: Nigerian timbog sa P17 milyong shabu

Sa inisyal na ulat ng PDEA, nakilala lang ang suspek na si Ebuka Valentine Ezike, nasa hustong gulang at residente ng Governor’s Hill Subdivision, Phase 2 Barangay Biclatan, Gen Trias City.
STAR / File

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang dayu­han matapos na makum­piskahan ng tinatayang aabot sa P17 milyong halaga ng hinihinalang shabu, sa ikinasang buy-bust operation sa loob ng isang subdibisyon sa Cavite kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat ng PDEA, nakilala lang ang suspek na si Ebuka Valentine Ezike, nasa hustong gulang at residente ng Governor’s Hill Subdivision, Phase 2 Barangay Biclatan, Gen Trias City.

Si Ezike ay naaresto dakong alas-9:00 ng umaga sa buy-bust ope­ration na ikinasa sa Go­vernor’s Hill Subd., PH-2 Biclatan, General Trias, Cavite ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Regional Office IVA, RSET2 at RSET 1, PDEA-Cavite PO, Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) 4A, at ng General Trias Municipal Police.

Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga otoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek at nang maberipika ang ulat ay kaagad na nagkasa ng buy-bust operation, na nagresulta sa pagkakaaresto nito.

Nakumpiska mula sa suspek ang tinata­yang aabot sa 2.5 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P17 milyon, isang karton na naglalaman ng isang resealable transparent plastic bag na naglalaman ng brownish granules substance at isang resealable transparent plastic bag na naglalaman naman ng mga brownish powdered substance.

Narekober din mula sa suspek ang isang plastik na palanggana na naglalaman ng timbangan,  plastic bags, at gunting, gayundin ang isang laptop, tatlong cellphones, at iba’t ibang identification cards.

Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002 sa piskalya. - Cristina Timbang

Show comments