Outing sa resort nauwi sa barilan: 1 kritikal

Naaresto naman ang suspek sa isina­gawang follow-up ope­ration ng pulisya na nakilalang si Samuel Bautista at nahaharap sa kasong frustrated homicide.
STAR/ File

CAVITE MANILA, Philippines – Isang lalaki ang nasa kritkal na kondisyon matapos na masapol ng bala ang kanyang leeg nang mauwi sa barilan ang masaya sanang outing ng dalawang grupo sa isang resort sa Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si John Lester Morales, nasa hustong gulang at residente ng Paliparan, Dasmariñas City.

Naaresto naman ang suspek sa isina­gawang follow-up ope­ration ng pulisya na nakilalang si Samuel Bautista at nahaharap sa kasong frustrated homicide.

Sa imbestigasyon ni Police Sergeant Elmo Caboboy, may hawak ng kaso, alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng COCO Valley Richnez Water Park sa Brgy. Paliparan 3, kung saan nag-outing ang biktima kasama ang iba pang kaibigan gayundin ang grupo ng mga suspek.

Nagkaroon umano ng ‘di pagkakaintindihan sa magkabilang grupo hanggang sa magtalo ang biktima at suspek. Napikon umano ang suspek na agad kinuha ang dala nitong maiksing baril at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa leeg.

Duguang bumulagta ang biktima na agad namang naitakbo sa Pagamutan ng Dasmariñas.

Show comments