Namumulot ng niyog tinangay ng flashflood

TAGKAWAYAN, Quezon, Philippines — Patay na nang matagpuan ang isang 39-anyos na lalaki matapos tangayin ng rumaragasang tubig mula sa ilog habang namumulot ng mga bunga ng niyog sa Barangay Mapulot ng bayang ito, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Jesico Entico, residente ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat ng pulisya, sinamantala ng biktima ang malakas na buhos ng ulan sa pamumulot ng niyog sa gilid ng ilog bandang alas-8:00 ng umaga. Pero lingid sa kanyang kaalaman ay biglang nagkaroon ng flashflood at tinangay ang biktima ng malakas na agos ng tubig hanggang tuluyang mawala sa paningin ng iba niyang kabarangay.

Mabilis na nagsagawa ng search and rescue operation ang Tagkawayan Municipal Police, Tagkawayan DRRMO, at mga barangay officials, subalit dakong alas-2:00 na ng hapon nang matagpuan ang katawan ng biktima.

Show comments