Motor nahulog sa dam: 3-anyos todas

MANILA, Philippines — Isang 3-anyos na batang babae ang nasawi matapos mahulog sa mini dam ang sinasakyan nilang motorsiklo noong Sabado sa bayan ng Kasibu,Nueva Vizcaya.

Kinilala ang nasawi na si Hazel Jose, habang ligtas naman nakaahon sa tubig ang ina at tiyuhin nito na pawang mga residente ng Barangay Alloy Kasibu, Nueva Vizcaya.

Batay sa report ng Kasibu Police Station, sakay ang paslit at nanay nito sa motorsiklo na minamaneho ng kanyang tiyuhin at pilit umanong itinawid ang motor sa  mini dam overflow bridge na nagdudugtong sa Barangay Poblacion at Barangay Alloy kahit na umaapaw na ang tubig.

Sa lakas ng agos ay posibleng nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng motorsiklo na nagresulta ng pagkahulog nila sa dam.

Nakatanggap ng re­port ang mga pulis mula sa isang residente hinggil sa nahulog na motorsiklo sa mini dam sakay ang tatlong katao at rumesponde ang mga tauhan ng Kasibu Police Station, BFP at MDRRMO Kasibu at nagsagawa ng search and retrieval operation.

Sa gitna ng operas­yon, natagpuan ang bangkay ni Jose na nagpalutang-lutang sa 800 metro ang layo mula sa mini dam overflow bridge.

Nagpaalala naman ang mga otoridad sa mga motorista na mag-ingat lalo na kapag ma­lakas ang ulan at mataas na ang tubig-baha para maiwasan ang disgrasya.

Show comments