Pipi’t bingi na pinasok ang bahay ng pulis, timbog

MANILA, Philippines — Arestado ng pulisya ang isang lalaking may diperensya sa pandinig at pagsasalita matapos pasukin ang bahay ng isang pulis at pagnakawan, kahapon ng madaling araw sa Brgy. Burol Main, Dasmariñas City, Cavite.

Kasalukuyan ngayong nakakulong sa Dasmariñas Police ang suspek na si Jeffrey Detate, nasa hustong gulang, residente ng Blk 9, Lot 14 Brgy. Fatima 1, Dasmariñas City.

Bandang alas-5:20 ng mada­ling araw nang pasukin ng suspek ang  bahay ni Ace Mercado Paredes, 39 na isang pulis ng Dasmariñas City at residente ng No.547 Brgy. Burol Main, Dasmariñas City.

Sa salaysay ng biktima, nasa kasarapan siya ng tulog ng mga oras na nabanggit nang marinig niya ang tuloy- tuloy na pagtahol ng kanilang aso.

Agad itong buma­ngon at sumilip sa bintana, dito niya nakita ang isang lalaki na may bitbit na malaking plastic na patakbo na sana palabas ng kanilang bakuran.

Agad na tumakbo si Paredes at hinabol ang suspek at nang maabutan ay narekober ang isang malaking plastic na may lamang sari-sa­ring gamit mula sa bahay nito.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek.

Show comments