P7.4 milyong shabu mula Malawi, nasabat sa Clark airport

Sinabi ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, una silang nakatanggap ng impormasyon sa kanilang mga asset ukol sa pagdating ng isang shipment mula sa Lilingwe, Malawi na naglalaman ng ilegal na droga.

MANILA, Philippines — Nagkakahalaga ng P7.4 milyon ang nasabat na shabu ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Phi­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Clark International Airport makaraang makatanggap ng impormasyon ang pamahalaan sa kahina-hinalang bagahe na dumating sa paliparan nitong Set­yembre 14.

Sinabi ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, una silang nakatanggap ng impormasyon sa kanilang mga asset ukol sa pagdating ng isang shipment mula sa Lilingwe, Malawi na naglalaman ng ilegal na droga.

Dito hinarang ng BOC katuwang ang PDEA ang kargamento na naglalaman ng dalawang unit ng Electric Air Pot Flask, ngunit nakasiksik sa loob ng mga ito ang limang pakete na naglalaman ng puting pulbos.

Nakumpirma na shabu ang kontrabando nang isailalim ito sa laboratory analysis ng PDEA.  May kabuuang timbang ito na 1.1 kilo at nagkakahalaga ng P7,480,000.

Naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Alexandra Lumontad para kumpiskahin ang kontrabando sa ilalim ng R.A. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy ang imbes­tigasyon ng mga awto­ridad upang mabatid kung sino ang consignee o dapat padadalhan ng naturang kontrabando. 

Nasa kustodya na ng PDEA ang naturang nasamsam na ilegal na droga.

Show comments