CAVITE, Philippines — Arestado ang isang Indian national at tatlong kasama nito matapos silang makuhanan ng may P.4 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation na ikinasa ng Bacoor City Police kamakalawa ng gabi sa Brgy. Molino 2.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Nanu Singh, 29-anyos, Indian national, na nakatala sa “Street Level Individual” ng pulisya; Conrado Luy Jr., 47; Marjorie Estupin, 31, online seller, at Ernesto Bacojo, 46, construction worker; pawang taga-Brgy. Molino 2 ng nasabing lungsod.
Sa ulat, alas-11:15 ng gabi nang ilatag ng Drug Enforcement Unit operatives ng Bacoor Police kasama ang grupo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang operasyon laban sa Indianong suspek na siyang target ng operasyon.
Pagdating sa lugar ng mga suspek, agad isinagawa ang buy-bust nang magpositibo at magpalitan ng droga at bayad, dito na agad pinaligiran ng grupo ang mga suspek.
Narekober sa mga nadakip ang isang large size na plastic na naglalaman ng aabot sa mahigit kumulang sa 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,000, buy-bust money at ‘di pa malamang halaga ng pera.