Pastor itinumba sa Nueva Ecija

SAN ANTONIO, Nueva Ecija, Philippines — Patay ang isang pastor na pangulo rin ng senior citizen ng kanilang barangay matapos pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek sa kanyang bahay sa Sito Pantoc Hacienda, Brgy. San Francisco, dito, noong Linggo ng gabi.

Kinilala ni P/Corporal Aldrin Pe Manuel, ang biktima na si Domingo Dela Peña, 69-anyos, pastor o preacher ng Back to Christ Church, at senior citizen chapter president ng nasabing lugar.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, ang mga suspek na nakasuot umano ng face mask at itim na sweatshirt na may printed na Barangay Police logo ay kumatok sa nasabing bahay, bandang alas-7 ng gabi.

Ipinagtanong umano ng mga suspek kung nasaan ang may-ari ng nasabing bahay at ilang saglit lang nang sila ay pagbuksan ng pinto ng biktima ay agad siyang pinaulanan ng bala ng isa sa mga suspek gamit ang hindi pa batid na kalibre ng baril.

Binantaan pa umano ng suspek ang misis ng biktima na huwag makikialam at pagkatapos ay tumakas na sila patungo sa direksyon ng Barangay Lambakin, Jaen, sakay ng isang hindi rehistradong motorsiklo na Honda Click.

Naglunsad na ng dragnet operation ang pulisya laban sa mga suspek habang patuloy na inaalam ang motibo sa pagpatay.

Show comments