Investors sa Subic na lalabag sa health protocols, sususpindihin
SUBIC BAY FREEPORT, Philippines — Posibleng maharap sa pansamantalang pagpapasara, suspensyon o kanselasyon ng Certificate of Registration (CR) ng kanilang negosyo ang mga investors sa Subic Freeport kapag nahuli ang mga ito na bigong ipinaiiral ang health protocols ng pamahalaan sa kanilang mga empleyado.
Sa ipinalabas ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Resolution No. 20-10-1800 ng Board of Directors, nakasaad na sa unang paglabag ay dalawang linggong suspensyon ang ipapataw sa mga kumpanyang mahuhuling lumabag sa health protocol.
Pangalawang paglabag ay mahaharap sa suspensyon ng anim na buwan ang CR at ikatlo ay kanselasyon na ng kanilang CR upang hindi na tuluyang makapag negosyo.
Ayon kay SBMA Chairman and Administrator Atty. Wilma Eisma, ang naturang hakbang ay upang labanan ang pagkalat ng COVID-19 partikular sa workplace ng mga empleyado sa freeport.
Ipinatutupad ang health protocol sa workplace sa pamamagitan ng pagkuha ng body temperature ng mga empleyado pagpasok sa trabaho, pagsusuot ng face mask at face shield at pag-iral ng social distancing.
- Latest