Negosyante, itinumba ng kausap

Kinilala ng Cabiao Police ang nasawing si Erick Velasquez, 44, may-asawa.
STAR/ File

CABIAO, Nueva Ecija, Philippines — Nasawi noon din ang isang 44-anyos na negosyante makaraang barilin ng kausap nitong lalaki sa harap ng kanyang bahay sa Purok 1, Barangay San Carlos ng bayang ito, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Cabiao Police ang nasawing si Erick Velasquez, 44, may-asawa.

Hindi pa tukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na agad na tumakas matapos ang pamamaril.

Nabatid sa imbestigas­yon na bandang alas-6:30 ng gabi habang nagpapahinga ang biktima sa labas ng kanyang bahay ay may isang lalaki na kumausap sa kanya.

Maaari umanong hindi pa kilala ng armadong suspek ang kanyang target na biktima kaya nakipag-usap pa umano ito sa biktima at nang masiguro umanong iyon na ang kanyang pakay ay agad na bumunot ng baril ang suspek at pinutukan ang biktima.

May hinala umano ang pulisya na ‘hired killer’ ang suspek dahil sa estilo nito.

Kasalukuyan pa umanong nangangalap ng CCTV foo­tage sa lugar ang pulisya upang matukoy ang suspek.

Show comments