MAGUINDANAO, Philippines — Nasa 15 na motorsiklo, matataas na armas at ilegal na droga ang nasamsam sa inilatag na “simultaneous law enforcement support operation” ng pulisya, militar at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa dalawang kilabot na kriminal sa Pikit, Cotabato, Miyerkules ng umaga.
Ayon kay Major General Juvymax Uy, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, inilunsad ng 90th Infantry (BIGKIS LAHI) Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Rommel Mundala, commanding officer ng 90-IB kasama ang 61st Division Reconnaissance Company, PDEA-12 at Cotabato Police Provincial Office (CPPO) ang nasabing operasyon sa naturang lugar.
Bitbit ng otoridad ang search warrants at mandayemento de aresto laban sa mga suspek na sina Ibrahim Dinga alias “Ibra” sa Sitio Gadungan, Brgy Nunguan at Jerry Sagandingan sa Sitio Palao, Brgy Balatican; kapwa sa bayan ng Pikit, alas-5:00 ng umaga. Gayunman, nakatakas ang dalawa pero nasamsam naman ng mga operatiba sa lugar ang 15 motorsiklo, mga high powered firearms, mga bala at 5-gramo ng shabu.
Pinapurihan ni Maj. Gen. Juvymax Uy ang tropa ng sundalo at pulis sa nasabing operasyon at iginiit na tuloy ang operasyon ng militar at pulisya hinggil sa pagsugpo sa ilegal na droga.