Magkamag-anak niratrat ng 2 kapitbahay

CASTILLA,Sorsogon, Philippines — Bulagta ang isang 24-an­yos na construction worker habang kritikal ang kanyang kaanak matapos na pagbabarilin ng dalawang kapitbahay sa Purok-6, Brgy.San Isidro ng bayang ito kamakalawa.

Nasawi noon din ang biktimang si Jeffrey Marantal Baradia habang kasaluku­yang ginagamot sa Castilla District Hospital ang 67-anyos na si Dante Marano Baradia, magsasaka at kapwa residente ng nasabing barangay.

Sa ulat, dakong alas-12:10 ng madaling araw sa hindi malamang dahilan ay pinagbabaril ng mga suspek na nakilalang sina Edwin Jabolan at Goding Bien si Dante.

Narinig ito ni Jeffrey kaya napalabas ito sa kanilang bahay at nakita ang mga suspek at sinigawan na tumigil na dahil baka tamaan ang mga bata.

Gayunman, binalingan siya ng mga suspek at walang kaabog-abog na pinagbabaril hanggang duguang humandusay.

Matapos nang pamamaril ay tumakas sina Jabolan at Bien patungo sa bulubundu­king lugar ng barangay.

Show comments