Nagwala sa inuman, naputulan ng dalawang kamay

Ayon kay Senior Master Sergeant Raquel Tagudin, lango sa alak si Aljay Domingo, 28, na may dalang pamalo nang sinugod at sinita ang kapitbahay na si Martin Jacinto, 48, dahil sa nakakabulahaw nilang ingay sa pagkikipaglaklakan dakong alas-9:00 ng gabi.
STAR/File

TUGUEGARAO CITY, Philippines — Tigpas ang dalawang kamay ng isang nagwalang mister matapos siyang tagain sa sinugod niyang laklakan sa Barangay Hacienda-Intal, Baggao, Cagayan kamakalawa.

Ayon kay Senior Master Sergeant Raquel Tagudin, lango sa alak si Aljay Domingo, 28, na may dalang pamalo nang sinugod at sinita ang kapitbahay na si Martin Jacinto, 48, dahil sa nakakabulahaw nilang ingay sa pagkikipaglaklakan dakong alas-9:00 ng gabi.

Sinabi ni Tagudin na nauwi sa pagtatalo ang pagsugod ni Domingo kay Jacinto na armado ng itak.

Nang tagain ni Jacinto si Domingo ay sinalag niya ito ng dalawang kamay dahilan para ito ay maputol.

Tumakas si Jacinto na animo’y nahimasmasan sa takot habang isinugod si Domingo sa Baggao District Hospital.

Narekober naman ng mga nagrespondeng pulis ang dalawang kamay ni Domingo at dinala ito sa Hospital sa pag-asang maibabalik pa ng mga doktor.

Sumuko naman kalaunan sa pulisya si Jacinto habang ibinigay na lamang ng mga pulis ang dalawang putol na kamay ni Domingo sa ama nito upang pagpasyahan kung ano ang nararapat gawin sa natigpas na parte ng katawan ng anak.

Show comments