Christmas party papayagan sa Solano, Nueva Vizcaya

Sa Executive Order No. 48 na nilagdaan ni Mayor Eufemia­ Dacayo kamakalawa, tanging mga opisyal at kawani lamang ng opisina, ahensya at organisasyon, pribado man o publiko ang maaaring dumalo sa Christmas party.
The STAR/Edd Gumban, file

TUGUEGARAO CITY,  Cagayan, Philippines — Sa kabila ng pagpapaliban ng maraming sektor sa pagdaraos ng Christmas party dahil sa banta ng hawaan ng COVID-19, pinapayagan naman sa munisipalidad ng Solano, Nueva Vizcaya ang pagsasagawa nito dahil sa diwa ng Kapaskuhan.

Sa Executive Order No. 48 na nilagdaan ni Mayor Eufemia­ Dacayo kamakalawa, tanging mga opisyal at kawani lamang ng opisina, ahensya at organisasyon, pribado man o publiko ang maaaring dumalo sa Christmas party.

Sa ilalim ng EO, mahigpit na ipagbabawal ang pagdalo ng mga bisita, kapamilya at maging ang mga kasintahan o kabit sa okasyon. Hangga’t maaari, iwasan ang mahabang programa lalo ang pananalita sa mikropono na maaaring maging­ sanhi ng pagkalat ng virus dahil sa tumatalsik na laway.

Ang kapasidad rin ng lugar na pagdarausan ng party ay nasa 50 porsyento lamang at dapat ay nasa tamang bentilasyon. 

Bawal din ang magsagawa ng parlor games at gumamit ng videoke machine subalit pinahihintulutan sa kautusan ang pag-inom ng alak basta huwag lamang gagamit ang mga tomador ng iisang basong pagtatagayan at kutsara’t tinidor na pansubo ng pulutan. 

Show comments