CAVITE, Philippines — Dalawa katao ang patay habang isa ang malubhang nasugatan matapos ang salpukan ng dalawang motorsiklo habang magkasalungat na bumabagtas sa kahabaan ng Brgy. Maguyam, bayan ng Silang, dito, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Marlito Jala Luta, 29 anyos, at Jester Llandera, 25, habang nasa kritikal na kondisyon ang backrider na si Gilbert Pausal Otida, 27.
Sa ulat ni P/Staff Master Sgt. Glenn Soriano, alas-9:40 ng gabi habang magkaangkas sa kulay itim na Mio motorcycle sina Luta at Otida nang makasalpukan nila ang kasalubong na kulay pulang Ducati motorcycle na minamaneho ni Llandera na taga-Purok 1, Brgy Timbau, Biñan City, Laguna.
Nawalan umano ng kontrol ang motorsiklo ni Llandera kung kaya sumemplang ito at sumadsad sa kalsada hanggang sa sumalpok sa motor ng magkaangkas na biktima. Tumilapon ang mga biktima at nagpagulung-gulong pa sa kalsada sanhi ng pagkasawi ng dalawa.