Lalaki pinatay sa convenience store

CAVITE, Dasmariñas City, Philippines  — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang lalaki nang ito ay saksakin ng nakaalitang lalaki sa tabi ng isang convenience store kahapon ng umaga sa Brgy. Fatima Road 3 ng lalawigang ito.

Ang nasawi dahil sa dami ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Rey Villanueva Briol, nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay.

Agad namang na­aresto ang suspek na si Rodel Cruzado, nasa hustong gulang, residente rin ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon, bago nangyari ang krimen, alas-8:20 ng umaga ay narinig ng mga saksi ang pagtatalo at pagsisigawan ng biktima at suspek sa gilid ng  isang convenience store hanggang sa makita na inundayan nang sunud-sunod na saksak ng suspek ang biktima na duguang bumulagta.

Patakas na ang suspek nang rumesponde ang mga pulis at agad itong naaresto.

Show comments