ANGELES CITY, Philippines — Kulungan ang binagsakan ng magdyowa na hinihinalang kapwa tulak ng ipinagbabawal na droga matapos masamsaman ng higit P.1-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya katuwang ang mga opisyales ng Brgy. Pandan, noong Miyerkules ng umaga.
Sa ulat sa tanggapan ni Police Station 3 Commander P/Major Jayson Constantino, kinilala ang mga suspek na sina Rahima David alyas “Ruby”, 54, at Niko Urbano, 31, kapwa taga-Brgy. Pandan.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 25 gramo na hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P170,000, isang kulay pulang Honda TMX 155 motorcycle (YY-6882) at marked money na ginamit sa buy-bust.
Ayon sa mga suspek, kung nakalusot ang kanilang transaksyon ay kikita umano sila ng nasa mahigit sa P10,000.