Lalaki nag-remit ng kita sa ibinentang face shields, itinumba

MANILA, Philippines — Isang lalaki na sinasabing hindi nag-remit ng pinagbentahang face shields ang patay matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang suspek sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.

Ang nasawi ay nakilala lamang sa alyas “Alien” habang sugatan ang isang Zen Biarez matapos na tamaan ng ligaw na bala habang pinaghahanap ang mga suspek na ang isa ay natukoy lang sa pangalang “Rex Nota”.

Sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-9:25 ng gabi nang maganap ang krimen sa tapat ng Premium Bike Circumferential Road sa Brgy. San Roque.

Ayon sa isang lalaking testigo, lumapit pa sa kanya si Nota at nagtanong kung saan niya matatagpuan si Alien na sinasabing hindi nag-remit ng kita mula sa pinabentahang mga face shields.

Itinuro naman umano ng testigo ang kinaroro­o­nan ni Alien, at nang makita ang pakay ay agad na sumenyas si Nota sa kasamang lalaki na mabilis na lumapit sa biktima saka nito pinagbabaril. Na­damay naman si Biarez na nasa lugar lang matapos tamaan ng ligaw na bala.

Show comments