Mag-utol na paslit lasog sa rifle grenade

Nabatid na dakong alas-9:00 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa loob ng kuwarto ng magkapatid habang masayang naglalaro.
STAR/File

Bala napagkamalang bola

MANILA, Philippines – Lasug-lasog ang katawan ng isang magkapatid na paslit nang masabugan ng pinag­laruang bala ng rifle grenade kahapon ng umaga, sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.

Sa inisyal na ulat, sinabi ni Police Lt. Col. Helen Galvez, taga­pagsalita ng Police Regional Office (PRO) 9, ang mga nasawing biktima na hindi natukoy ang pagkakakilanlan ay nagkakaedad 8-anyos at 5 taong gulang; pawang mga residente ng Brgy. Sicayab ng naturang lungsod.

Nabatid na dakong alas-9:00 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa loob ng kuwarto ng magkapatid habang masayang naglalaro.

Sa salaysay ng ama ng magkapatid na si Nonamar Pasculado, abala siya umano sa pababantay ng kanilang ukay-ukay na negosyo sa labas ng kanilang bahay nang marinig nito ang malakas na pagsabog mula sa kuwarto ng mga biktima kaya mabilis itong umuwi sa kanila.

Dito ay nadatnan nito na ang dalawang anak na lasug-lasog ang katawan at wala nang buhay.

Sa teorya ng pulis­ya, posibleng umanong napulot ng mga biktima ang bala ng rifle grenade na napagkamalang bola ng mga ito na kanilang pinaglaruan.

Patuloy naman ang masusing imbestigas­yon ng pulisya sa kasong ito.

Show comments