Ginang nilooban, pinatay

Nakilala ang nasawi na si Ananda Carla Nicolasora, 44, ng Fonderoza Subdivision, Brgy. Pasong Langka, Silang. Nakaligtas naman ang 70-anyos na ina ng nasawi na si Concepcion.
File

Cavite, Philippines – Nilooban at saka pinatay ang isang ginang  ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa isang eksklusibong subdivision kahapon ng madaling-araw sa Silang, Cavite.

Nakilala ang nasawi na si Ananda Carla Nicolasora, 44, ng Fonderoza Subdivision, Brgy. Pasong Langka, Silang. Nakaligtas naman ang 70-anyos na ina ng nasawi na si Concepcion.

Batay sa salaysay ni Concepcion sa mga pulis, dakong alas-12:45 ng hatinggabi nang magising siya sa malakas na ingay at komosyon mula sa basement ng bahay kung saan nandun ang kwarto ng kaniyang anak kaya dalidali niya itong pinuntahan pero hinarang na siya ng ilang kala-lakihang suspek at binihag na sa loob ng nasa isang oras.

Nang umalis ang mga ito at nakita niyang bitbit ng mga suspect ang isang vault at doon na lamang niya napuntahan ang anak kung saan nakita niyang nakadapa ito at duguan at wala nang buhay.

Base sa pag-iimbestiga ng pulisya, nakapasok ang mga kawatan sa salaming bintana ng bahay na pwersahang binasag. Bukod sa vault na naglalaman lamang umano ng mahahalagang dokumento at bag na naglalaman ng mga iba’t ibang gamit ay wala na umanong nakuha ang mga suspek.

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang pulisya sa insidente at may mga persons of interest na silang tinututukan dito na mga umano’y pawang mga manggagawa sa isang ginagawang bahay sa subdibis­yon.

Show comments