P6.8-M shabu nasamsam sa 2 bigtime na ‘tulak’

CAVITE, Philippines — Matagumpay na nadakma ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Encforcement agency (PDEA) 4A at Bacoor City Police ang umano’y dalawang bigtime na tulak  ng Region 4 sa isinagawang buy-bust operation sa parking lot ng isang kilalang mall sa Brgy. Molino 4 ng lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Cavite Provincial Director Sr. Supt William Segun ang dalawang suspek na sina Ato Kasim, 30, ng Lower Bicutan, Taguig City  at  Jubaire Kitab Mohammad, 21-anyos,  tricycle driver ng Samata Village, Brgy. Talon 5, Las Piñas City.

Sa ulat, alas-6:15 ng gabi nang ikasa ang buy-bust ng PDEA at Bacoor Police sa pangunguna ni P/Major Ruben Ballera Jr. laban sa dalawang suspek. Nagkasundo ang poseur buyer at mga supek sa transaksyon na magkakaabutan ng droga at bayad nito sa 2nd floor ng parking space ng mall sa Brgy.  Molino.

Maingat na  ikinasa ang buy-bust  at nagpositibo ito kung saan nakuhanan ang mga suspek ng may mahigit  kumulang sa  1 kilo ng shabu na aabot sa halagang P6.8 milyon. Nakuha rin ang bundles ng boodle money, drug money, dalawang cellular phone at dalawang SUV na Mitsubishi Lancer at Ford Everest.

Ayon sa PDEA, matagal na nilang sinusu­baybayan ang mga suspek at ilang beses na  rin silang nagplano sa pag-aresto rito subalit mailap ang mga suspek.

 Dinala sa  PDEA Laboratory para sa examination ang nakumpiskang mga shabu habang hawak ng PDEA ang mga suspek.

 

Show comments