Itatayong pabrika, prinotesta
TARLAC, Philippines — Nagsagawa ng motorcade rally ang mga residente na pinangunahan ng “Coalition of Concerned Citizens of Bamban” upang kondenahin ang planong pagtatayo ng isang pabrika ng semento sa nasabing bayan kahapon ng umaga.
Mariing tinututulan ng grupo na maitayo ang planta ng Big Boss Cement Factory sa Sitio Pinandakitan, Brgy. Dela Cruz, Bamban, Tarlac na isang irrigated ricefield na sinasabing nare-classify na Industrial Zone.
Pangamba ng mga residente, may masamang dulot sa kapaligiran sakaling matuloy ang pagtatayo o operasyon ng nasabing planta ng semento dahil makasisira umano ito sa mga pananim ng mga magsasaka at maging sa kalusugan nilang nakatira dito na 300 metro lamang ang layo nito.
Sa kabila nito, magsasagawa pa umano ng pangalawang public consultation dahil sa nakita umano ng Dept. of Environment and Natural Resources (DENR) at ng pamunuan ng Big Boss Cement Factory ang mahigpit na pagtutol ng mamamayan ang planong pagtatayo ng planta upang maipaliwanag din ang kanilang panig na taliwas sa napabalitang walang public consultation na naganap, ayon sa dating alkalde ng bayan.
Sinisikap pa ng PSN na makuhanan ng pahayag si Bamban Mayor John Feliciano kaugnay sa usaping ito.
- Latest