Miyembro ng NPA pumalag sa aresto, dedo

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Bumulagta ang isang miyembro ng teroristang New People’s Army (NPA) habang arestado naman ang kanyang kasamahan matapos makipagbarilan sa mga otoridad habang isinisilbi ang warrant of arrest laban sa napatay na rebelde sa Purok-5, Brgy. Incarizan sa bayan ng Magallanes, Sorsogon kahapon ng madaling araw.

Dead-on-the-spot makaraang mapuruhan ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang suspek na si Edwin Bustamante Dematera, alyas “Ka Dupax”, residente ng Brgy. Aroroy sa bayan ng Juban habang inaresto ang kasamahan na si Jimuel Non Bueno, 20, residente ng Brgy. Bulala.

Sa ulat, dakong alas-12:10 ng madaling araw, dala ang warrant of arrest na inilabas ng korte sa kasong murder laban kay Dematera ay sinalakay ng mga tauhan ng 31st Infantry Batallion ng Philippine Army, Sorsogon Police at Magallanes Police ang safehouse ng suspek.

Gayunman, sa halip na sumuko nang isinisilbi na ang warrant of arrest ay bigla umanong namaril ang rebelde dahilan para magkapalitan ng putok hanggang duguang bumulagta si Dematera.

Makaraang mapatay ang kasamahan ay sumuko naman si Bueno.

Nakuha kay Dematera ang isang kalibre .45 baril habang kalibre .38 naman ang nabawi mula kay Bueno.

Show comments