Bomber plane ng PAF bumagsak: 2 piloto nasagip

Kinilala ang dalawang piloto na sina 1Lt. Uriel Pangket, 28, at 1Lt. Razelle Cerdenia, 26, kapwa binata at miyembro ng PAF at residente rin ng 16th Attack Squadron, 15th Strike Wing, MDAAB, Sangley Point, Cavite City. Sila ay bahagyang nagtamo ng sugat sa katawan.

MANILA, Philippines — Himalang nakaligtas ang dalawang piloto ng isang bomber plane ng Philippine Air Force (PAF) matapos itong bumagsak habang nagsasagawa ng proficiency training sa Cavite City nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang dalawang piloto na sina 1Lt. Uriel Pangket, 28, at 1Lt. Razelle Cerdenia, 26, kapwa binata at miyembro ng PAF at residente rin ng 16th Attack Squadron, 15th Strike Wing, MDAAB, Sangley Point, Cavite City. Sila ay bahagyang nagtamo ng sugat sa katawan.

Ayon kay PAF spokesman Maj. Aristedes Galang, hanggang sa ngayon ay hindi pa natatagpuan ang kinaroroonan ng eroplano ngunit sinasabing posibleng bumagsak ito may tatlong nautical miles sa southwest ng Sangley Point sa Cavite.

Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, habang nagsasagawa ng proficiency flight training ang mga naturang piloto nang bigla na lang itong magkaroon ng engine failure o aberya habang nagsasagawa ng touch ang go maneuvers hanggang sa tuluyang bumagsak pasado alas-9:00 ng umaga.

Nakarinig na lamang umano ang duty guard sa area ng Banog, na nasa dulo ng runway 25, nang malakas na mga tunog habang bumabag­sak ang aircraft at nakitang nag-eject na ang dalawang piloto.

Masuwerteng bumagsak sa dagat ang dalawang piloto at agad silang nasaklolohan at nasagip ng ilang mangingisda na sakay ng dalawang civilian boats.

Dahil sa insidente, “groun­ded” ngayon ang lima pang natitirang bomber planes bilang bahagi ng standard opera­ting procedure (SOP) para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga piloto habang tiniyak ni Galang na masusi silang mag-iimbestiga sa pagbagsak ng nasabing eroplano. (Cristina Timbang)

Show comments