1 dedo, 3 grabe sa sports car

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang binatilyo habang tatlong iba pa ang nasa malubhang kalagayan matapos silang araruhin ng isang sports car habang sakay ng trike na payong-payong at tinatahak ang national highway ng Brgy. Kurintem sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang nasawi na si Hussien Ulama, 15-anyos, isang puto vendor habang sugatan ang kasamahan nito na si Reynaldo Locaro, 17, kapwa taga-Rosales Street, Cotabato City at ang mag-asawang senior citizens na sina Nagib, 73, at Monabai Mangendra, 72, ng Kabuntalan, Maguindanao. 

Sa ulat, pasado alas-5:00 ng hapon habang pauwi na sina Ulama at Locaro sakay ng payong-payong nang makasalubong at salpukin sila ng humaharurot na sports car.

Nadamay naman ang matandang mag-asawa na sumusunod sa kanila sakay ng motorsiklo.  

Sa kabila ng aksidente,  hindi tumigil ang driver ng naturang sports car upang tulungan ang mga biktima.  

Gayunman, naisugod sa ospital ang apat ngunit binawian ng buhay si Ulama habang ginagamot. Tinutugis na ng pulisya ang tumakas na driver.

Show comments