2-anyos todas sa sunog

MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sina­pit na kamatayan ng isang 2-anyos na batang lalaki makaraan itong makulong ng apoy sa loob ng nasusunog nilang bahay sa Brgy. Buenavista, Sablayan, Occidental Mindoro kamakalawa.

Ang biktimang si Kenzo Jude Coraje  ay halos hindi na makilala sanhi ng grabeng pagkasunog ng katawan nito.

Sa ulat, sinabi ni Police Lt. Colonel Socrates Faltado, Spokesman ng MIMAROPA Police, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang magsimulang tupukin ng apoy ang tahanan ng lola ng biktima na si Erenea Coraje, 81.

Nabatid na kasaluku­yang mahimbing na natutulog ang matanda kasama ang iba pang miyembro ng pamilya nang mangyari ang sunog.

Sa sobrang kalituhan  ay napatakbo ang mga ito palabas ng bahay at naiwan ang biktima na natutulog pa sa kaniyang silid.

Huli na nang maalala ng mga ito na nasa loob pa ng silid ang bata na nabigo nang mailigtas dahilan nababalutan na ng apoy ang buong kabahayan.

Mabilis na kumalat ang apoy kung saan natupok din ang upholstery ng matanda at maging ang iba pang kabahayan sa nasabing compound.

Naapula naman ang apoy bandang alas-5:00 ng umaga matapos na magresponde ang mga bumbero.

Show comments