Foreman kinatay sa Day Care Center

CAVITE  , Philippines  —  Isang 51-an­yos na foreman ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang kasamahan habang natutulog matapos silang mag-inuman sa loob ng kanilang ginagawang Day Care Center sa bayan ng Silang, ng lalawigang ito kamakalawa ng hapon. 

Kinilala ang nasawi na si Ricardo Silao, may asawa, foreman sa kino-construct na Day Care Center ng Brgy. Pulong Bunga, Silang, Cavite. 

Nadakip naman ang suspek na si Ramil Cañeso, 33-anyos, construction worker, ng Brgy Adlas, Silang, Cavite. 

Sa ulat, alas-3:30 ng hapon habang masayang nag-iinuman ang biktima at suspek kasama ang iba pang mga trabahador sa loob ng ginagawang Daycare Center nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa. Dito napikon umano ang suspek pero tumahimik lamang nang awatin sila ng ibang kainuman. 

Dahil sa kalasingan, nakatulog ang biktima sa upuan sa loob ng nasabing center at dito nakakuha ng tiyempo ang suspek na agad dumampot ng patalim saka sunud-sunod na inundayan ng saksak ang natutulog na biktima. Nakita naman ang pangyayari ng isa pang trabahador na si Marlon Gustilo kung kaya nagsisigaw at humingi ng tulong. 

Show comments