Reporter ng Manila Times patay sa road mishap!
KIDAPAWAN CITY - Patay ang isang correspondent ng pahayagang Manila Times, matapos na masangkot sa aksidente sa highway ng Matalam sa North Cotabato kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Mohammad “Moh” Saaduddin, 33-anyos, manugang ni Ali Macabalang, senior correspondent ng Manila Bulletin.
Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Macabalang na kagagaling lang ng kanyang manugang na si ‘Moh’ sa pagkokober ng ikatlong Kanduli ng Mangudadatu-Sinsuat renewal of coalition sa Shariff Kabunsuan Cultural Center sa loob ng ARMM compound sa Cotabato City nang maganap ang aksidente. Pauwi na umano si Moh sakay ng kanyang motorsiklo na kulay pulang Raider nang sumalpok ito sa isang 10-wheeler truck (123003) na minamaneho ni Renald Lubat Ramos, 36, ng Brgy. Kilada, Matalam pagsapit sa may tapat ng bahay ni Poblacion Chairman Ariel Valdevieso dakong alas-5:35 ng hapon.
Habang binabagtas ng truck ang national highway mula Kabacan patungong Matalam nang pagdating sa Rotonda-Matalam ay pumalya ang preno nito at mabilis na sumalpok sa likurang bahagi ang nakasunod na si Moh. Sa lakas ng impact, matinding pinsala sa ulo ang tinamo ng biktima na kanyang agarang ikinamatay.
Nasa kustodya na ng Matalam Police ang drayber ng nasabing truck.
- Latest