MANILA, Philippines — Dalawa katao kabilang ang isang negosyante ang nasawi makaraang aksidenteng mahulog ang kanilang sinasakyan na mini dump truck sa may 20 metrong lalim na bangin sa Brgy. Tabaan Sur, Tuba, Benguet kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawing negosyante na si Benjamin Cipriano, 44-anyos, tubong Brgy. Taleb, Tabaan Sur, Tuba habang ang isa na sakay nito ay si Caridad Cipriano, 90-anyos, isang biyuda.
Ang dalawang biktima na kapwa nagtamo ng malulubhang sugat at pagkadurog ng kanilang katawan at ulo ay idineklarang dead-on-arrival sa Northern Luzon Adventist Hospital.
Sa ulat ni Cordillera Police Director P/Chief Supt. Rolando Nana, dakong alas-6 ng gabi nang mangyari ang trahedya habang bumabagtas ang mga biktima sa kahabaan ng matarik na highway lulan ng kulay asul na Isuzu (ADH 1591) ng Kiwai Road, Brgy. Tabaan Sur, Tuba ng lalawigan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na hindi napansin ng nasabing negosyante ang pagkasira ng highway na gumuho ang kapirasong bahagi nito bunga ng masamang lagay ng panahon. Dahil dito, tuluy-tuloy na nahulog sa bangin ang nasabing trak.
Nang maiahon at matanggal ng rescue team mula sa pagkakaipit sa sasakyan ang dalawang biktima ay nagawa pa nilang maisugod sa pagamutan subalit nabigo ang mga manggagamot na maisalba ang kanilang buhay.