4 dedo, 36 huli sa drug ops

Sinisiyasat ng mga kagawad ng SOCO ang katawan ng suspek na si alyas “Onad” na nasawi matapos itong kumasa sa mga otoridad sa isinagawang drug-bust sa isang lugar sa Brgy. Tabang sa bayan ng Guiguinto, Bulacan.
Kuha ni Boy S. Cruz

BULACAN, Philippines — Apat na kalalakihang sinasabing mga notoryus na tulak ng shabu ang nasawi habang 36 na katao kabilang ang isang babaeng barangay kagawad at isang lalaking menor de edad ang naaresto ng pulisya matapos na isagawa ang panibagong drug operation sa iba’t-ibang bayan dito Miyerkules ng gabi at Huwebes ng madaling araw.

Kasalukuyan pang inaalam ang tunay na pangalan ng mga nasawing suspek na may alyas “Onad”, “Rick”, “Dame” na nakatala sa BADAC watchlist, at Gilbert Lopez nasa hustong gulang ng Brgy. Look 1st sa Malolos City.

Kinilala rin ang isa sa mga naarestong suspek na si Doris Abraham 50, residente at nanalong barangay kagawad ng Brgy. Sampaloc ng bayan ng San Rafael at kabilang sa High Value Target ng narcolist habang kaagad ding dinala sa lokal na DSWD ang 16 na lalaking suspek na residente ng Brgy. Tabing Bakod sa bayan ng Santa Maria.

Narekober sa apat na nasawing suspek ang apat na .38 revolber na baril, mga bala, 29 na sachet ng shabu na aabot sa halagang P.1-milyong piso, mga drug paraphenalias at P2,000 pisong marked money na ginamit sa magkakasunod na operasyon habang inaalam pa ang dami at timbang ng mga narekober na shabu mula sa 36 na naarestong suspek. Joy Cantos

Show comments