Higit 1,000 kandidato sa barangay, SK polls sa Cotabato nagpa-drug test

MANILA, Philippines – Upang mapatunayang wala silang kinalaman sa ilegal na droga, boluntaryong sumailalim sa drug test ang mga kandidato ng Cotabato City para sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, nagtungo sa city hall ang nasa higit isang libong kandidato kasunod ng panawagan ni Mayor Cynthia Guiani-Sayadi.

Walang umatras sa hamon ng alkalde na magpa-drug test ang lahat ng kandidato.

Ikinatuwa ni PDEA-Autonomous Region in Muslim Mindanao Director Juvenal Azurin ang hakbang ng lokal na pamahalaan at ang pagsunod ng mga kandidato.

Gagawin ang eleksyon sa Mayo 14, ngunit bago nito ay ilang beses itong napurnada matapo sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na maraming opisyal ng barangay ang sangkot sa ilegal na droga.

Samantala, balak naman ilabas ng PDEA ang pangalan ng mga barangay officials na nasa “narco list.”

Layunin ng PDEA na hindi na muling maihalal pa ng mga botante ang mga nasa listahan.

Show comments