Ex-Cafgu niratrat ng NPA

MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang mangingisda na dating kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit o Cafgu matapos ratratin ng pinaniniwalaang liquidation squad ng mga rebeldeng New People’s Army habang nakikipista sa Brgy. Panan-awan sa bayan ng Cawayan, Masbate kamakalawa ng gabi.

Nasawi noon din dahil sa tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Mario Dayco, 35- anyos, tubong Brgy. Balatucan sa bayan ng Mobo at kasalukuyang naninirahan sa naturang barangay.

Sa police report na nakarating sa Camp Gen.Simeon Ola, dakong alas-11:30 ng gabi, habang masayang nakikipaghuntahan si Dayto sa ilang mga kaibigan nang biglang dumating ang ilang armadong mga NPA at saka pinagbabaril ang biktima. 

Marami umano ang mga nakasaksi sa pamamaril pero wala ni isang nakakilos para tumulong dahil sa takot. Makaraang masigurong patay na ang biktima ay tumakas ang mga rebelde patungo sa bulubunduking lugar ng barangay.

Ayon sa inisyal na imbistigasyon ng mga pulis, dati na umanong binalaan ng mga rebelde ang biktima na umalis na sa lugar pero binalewala lang nito.

Show comments