Reclamation sa protected areas ng Zambales binatikos
MANILA, Philippines — Binatikos ng daan-daang residente ng Zambales ang isinasagawang malawakang land reclamation na sumisira umano sa coral reefs.
Sa pahayag ng mga miyembro ng Oyon Bay Protector (OBP), “sinira” na umano ng Masinloc Coal-Fired Power Plant (MCPP) ang malaking bahagi ng coral at Marine life sa Masinloc Bay nang umpisahan ang konstruksyon ng $1 bilyong dolyar na expansion para doblehin ang kasalukuyang 600 MW capacity ng Masinloc power stations.
Sa kanilang liham kay Environment and Natural Resources Sec. Roy Cimatu, nakasaad na nadiskubre ng mga miyembro ng cause oriented and environmentalist groups na na-reclaim na ng naturang energy company ang halos isang ektarya ng protected areas ng Masinloc gamit ang dalawang dredging barge at mga earth moving equipments.
Ang pagtatayo ng karagdagang 300 MW coal plant ay inumpisahan umano noon pang 2015 at inaasahang magiging online na ito sa huling bahagi ng taon.
“The unauthorized activities massive reclamation activities of MCPP in Masinloc town must be stopped immediately since they violated several provisions of the national integrated protected areas system (NIPAS) act of 1992,” ipinabatid pa ni Joey Marabe, OBP Adhoc chairman, kay Cimatu.
Isang survey sa lugar ang isinagawa ni Zambales acting PENRO Laudemir Salac noong nakaraang taon at nadiskubre na napasok na ng MCPP power plant ang loob ng protected area nang hindi nalalaman ng DENR at municipal government.
Ang planta ay nakatayo sa 137 ektaryang lupain sa Masinloc, ang mango capital ng Zambales, na may layong 250 kilometro sa Maynila. Nakaharap ito sa South China Sea sa kanluran, Lawis River sa hilaga, National Highway No. 3 sa silangan at nasa coastline ng Oyon Bay sa timog.
“The power plant destroyed not just the protected areas of Masinloc but also the entire Masinloc and Oyon Bay Marine Reserve,” ayon kay Marabe.
- Latest