Marine Sgt., 1 pa utas sa pamamaril sa Cotabato

MANILA, Philippines — Napaslang ang isang aktibo at isang retiradong Philippine Marines, habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos na tambangan at makabarilan ng mga armado sa magkahiwalay na insidente sa Cotabato City nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ni Captain Arvin Encinas, Spokesman ng Army’s 6th Infantry Division (ID) ang miyembro ng 7th Marine Battalion Landing Team (MBLT) 7 na si Sgt. Ferdinand Ulang,  ay dead on arrival sa pagamutan sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan.

Nasa kritikal namang kondisyon ang kasamahan nitong si Sgt. Robel Navarro na patuloy na ginagamot sa Cotabato Regional Medical Center.

Bandang ala-1:24 ng hapon nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Sinsuat Ave­nue sa harapan ng RVM College sa lungsod ng Cotabato habang sina Ulang at Navarro ay magkaangkas sa kulay itim na motorsiklong Bajaj  galing sa AFPSLAI (AFP Savings and Loan Association Inc.) Cotabato branch nang mangyari ang insidente.

Ayon sa imbestigasyon, sinundan at bigla na lamang pinagbabaril ang mga biktima ng riding in tandem na suspects  pagsapit sa lugar. Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.

Samantalang ilang oras pa habang inaasikaso naman ng ex-Marine na si Alfredo Tumbaga ang bangkay ng nasa­wing si Ulang nang makabarilan ang dalawang hinihinalang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) malapit sa Villa Funeral Homes sa kahabaan ng Sinsuat Avenue sa Brgy. Rosary Heights 4 ng lungsod.

Napatay sa palitan ng putok ang isa sa mga suspek na natukoy na si Mohammad Saud Andes, 22, habang dead on arrival naman sa pagamutan si Tumbaga, retiradong Marine at Chief Security Officer ng Regional Legislative Assembly-Autonomous Region in Muslim Mindanao sa lungsod.

Sa nasabing insidente ay nasugatan naman ang kasamahan ni Andes na nakilalang si Badjorie Karim, 28.

Lumilitaw sa imbestigasyon na sinundan ng dalawang suspek si Tumbaga at binaril ng malapitan na nagtamo ng tama sa likurang bahagi ng ulo na bagaman sugatan ay nagawa namang gumanti ng putok sa mga umatake dito bago tuluyang duguang bumulagta sa lugar.

Isinasailalim pa sa masu­sing imbestigasyon ng mga awtoridad ang kasong ito. - Rhoderick Beñez

Show comments